Showing posts with label Tagalog. Show all posts
Showing posts with label Tagalog. Show all posts

Wednesday, March 13, 2013

Eroplano


wag magskip read para maintindihan ang lahat. =p 

May isang bata akong nakita na nakatingin sa ulap at sumigaw ng “airplane, airplane” ang sabi ng kanyang ina, balang araw kapag malaki ka na makakasakay na ng “airplane.” Ang tamis ng ngiti ng bata tila ay naintindihan niya ang ibig sabihin ng kanyang ina.

Lumipas ang panahon at nanatiling pangarap pa rin ng isang bata ang makakasakay ng eroplano.

Isang araw umuwi ako sa bahay, yong batang nakita ko minsan ay pumapasok na pala sa kolehiyo. Ang nasabi ko lang sa sarili ko, tumatanda na yata ako dahil parang kahapon lang ang mga alaala ko sa kanya. Ang simpleng pangarap ng batang iyon na sumakay ng eroplano ay napalitan na pala ng ibang pangarap. Tuwang-tuwa siyang magkwento sa kanyang bagong pangarap, ramdam na ramdam ko ang labis na kaligayahan at kitang-kita ko ang tamis ng kanyang mga ngiti. Punong-puno siya ng pag-asa at sigurado din ako na maabot niya ang kanyang pangarap.

Ilang taon ang lumipas at ako ay nagbalik ulit sa lugar na aking sinilangan, nakita ko na naman ulit ang batang iyon at nagulat ako sa kanyang hitsura dahil nagkaroon ng pagbabago sa kanyang katawan. Nararamdaman ko sa oras na iyon ang lungkot habang tinitingnan ko siya sa malayo. Hindi ako nakatiis at nilapitan ko siya, nagtanong ako “kumusta kana?” ang sagot ng bata “ok lang” may gusto akong idagdag sa tanong ko pero pinipigilan ko ang aking sarili dahil sa lungkot na nararamdaman ko sa oras na iyon. Ang pakiramdam na tila ang isang pangarap ay nanatiling isang pangarap nalang talaga.

Isang umaga, paalis na ako ng bahay papuntang opisina, nakita ko na naman ulit ang batang iyon kasama ang kanyang ina. Natuwa ako habang tinitingnan ko silang mag-ina dahil para lang silang kambal, magkamukha, halos parehas ang kanilang “mannerism” at kahit ngiti walang pinagkakaiba. Narinig ko ang sabi ng kanyang ina “wag ka mawalan ng pag-asa, araw-araw ay isang pagkakataon para bumuo ulit ng pangarap” ang tamis ng ngiti ng bata kagaya nong unang ngiting nakita ko noon. dagdag ng kanyang ina “mag-aral ka ulit, habolin mo ang gusto at nina-nais mo sa buhay, nandito lang kami para sayo” hindi nagsalita ang bata at sinabi ko sa kanya “subukan mo lang ulit” ngumiti ang bata na parang sumasang-ayon siya sa sinabi namin.

Habang kami ay naglalakad patuloy ang pagkwento ng kanyang ina na “masarap daw magbyahe at pumunta sa ibang bansa dahil nakaka-smart ito” at “mas masarap kapag ang isang gobyerno ang nagpapadala sa’yo sa ibang bansa dahil may isang conference na kailangan mong puntahan” naaalala ko tuloy ang pangarap ng bata at naisip ko sa oras na iyon na ang sarap talaga mangarap kasi ito ay libre at walang hangganan.

Ang buhay ay parang gulong, yan ang laging sinasabi ng aking ina, dahil minsan nasa taas ka, minsan nasa baba ka. Kailangan mong masaktan, madapa para matuto at mahanap ang bagong panimula at yan ang nakita ko sa batang iyon.

Nagulat ako ng malaman kong pumanaw na ang ina ng batang iyon, naramdaman ko na ang konting pangarap na natira sa kanyang sarili ay nawala kasama  ng pagkawala ng kanyang ina. Mula pagkabata hanggang sa naghabol siya sa kanyang pangarap, ang kanyang ina ang laging karamay niya, sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, nakita ko ang buong suporta ng kanyang ina sa kanyang mga pangarap at gusto sa buhay. ang kanyang ina ang naging lakas niya para ipagpatuloy ang minsang nasirang pangarap at naisip ko, paano nalang ang batang iyon na wala na ang kanyang ina, kahit andyan ang ama at isang kapatid niya na umaalalay sa kanya, iba pa rin ang nakita kong gabay at suporta na ginawa ng kanyang ina. Ako ay sobrang nalulungkot, naramdaman ko rin ang sakit na nararanasan niya dahil ako ay isang ulila na rin sa ina. Kagaya ng batang iyon, nakikita ko sa kanyang ina ang aking ina.

Lumipas at nagdaan ang mga araw, nakasalubong ko ulit ang batang iyon, may bitbit itong madaming libro. Ngumiti ako sa kanya at nagbigay galang ang bata sa akin na tila ang saya-saya niya. Sinabi ng bata “ate, nag-aral na ulit ako, itutuloy ko ang pangarap ng aking ina” natuwa ako sa kanyang tugon sa akin at sinabi ko lang sa kanya “go chase your dream!” masaya akong pumasok sa bahay na parang ang gaan ng pakiramdam ko na nakita ko ulit ang batang iyon na minsan nangangarap lang na sumakay ng eroplano, yon ang isa sa pinakamatamis na alaala ko sa kanya. Ang isang eroplano ay maging daan ito sa kanya para Makita niya ang mundo na minsan ay pinangarap ng kanyang ina para sa kanya, ang pagdalo ng mga conference sa ibang bansa at magsalita sa harap ng maraming tao.

Naramdaman ko ang lahat ng pangarap ng batang iyon nong ako ay sumakay ng isang eroplano, tama ang kanyang ina na nakaka-smart ang pagsakay ng isang eroplano, dahil pala ito ay nakakakilala ka ng mga taong professional, galing sa iba’t ibang lugar at nakakamangha ang lugar na bago sa iyong mga mata. Masarap ang pakiramdam kasi nasa ulap ka lang, nakatingin sa malayo at ang nakikita mo lang ay kulay asul at puti sa paligid, abot mo lahat ang pangarap, parang totoo lahat na minsan ay nasa panaginip lang. habang nilalasap ko ang pagkakataong nakasakay ako ng eroplano, nararamdaman ko na malapit na din pala ako sa aking inaasam na pangarap. Naisip ko rin na kahit anong pilit mo pala sa isang pangarap na abotin ito kapag hindi para sa’yo, hindi talaga para sa’yo. Kapag ito ay naabot mo ng sadya, hindi ka naman magiging masaya at pilit mo pa ring hahanapin ang daan papunta sa lugar kung saan doon ka itinathala ng diyos.

Minsan na rin akong nangarap sumakay ng eroplano at ito ay natupad, napatunayan ko na totoo ang sabi ng aking ina. Kung anong tamis ng ngiti ko noon ng sinabi ng aking ina na “makakasakay ka rin ng eroplano balang araw” mas nagkaron ng kabulohan ang lahat ng ito ay nakamit ko. Mas lalo akong nangarap na sana isang araw pagkagising ko, hahabol ako ng flight para papunta ng opisina at hahabol ulit ng flight pagkatapos ng opisina. Ang sarap ng pangarap kapag ito ay matutupad mo, kahit sa simpleng bagay o paraan man, mas matamis sa isang ngiti ng bata kapag ito ay nakamtan mo.

akala ko minsan sa buhay ko, mamamatay ang mga pangarap ko nong mawala ang aking ina, akala ko hanggang doon nalang din ang buhay ko pero may mas nagbukas na panibago sa aking buhay at ang aking kapatid at ama ang aking karamay ngayon sa pagpapatuloy ng mga pangarap ng aking ina para sakin.

Naging malaki ang pangarap ko sa buhay dahil ito ang lagi kong naririnig sa aking ina, ito ang aking nakikita habang lumalaki ako. Ako ang nakikita at nakitaan niyang posibleng susunod sa yapak niya, magsasalita sa harap ng madaming tao, tutulong sa mga nangangailangan, magbabyahe sa ibang lugar para dumalo sa mga conference. Tumatak sa aking diwa ang bawat salita ng aking ina, ang pagbahagi ng kanyang pangarap hindi lang din sa akin kundi sa ibang tao din.

Minsan ako naging bata, minsan nangarap na sumakay ng eroplano na binigyan pag-asa ng kanyang ina at nagbigay ng matamis na ngiti sa pag-asang matutupad ito balang araw. Isa sa mga naging pangarap ko noon na sana kahit may trabaho na ako, may pagkakataon pa rin akong mag-aral at ito ay natupad din dahil ginusto kong gawin ito. Ano mang pangarap meron ako ngayon sa buhay hindi pa rin nawawala ang pangarap ng aking ina para sakin, ito ay pinagpapatuloy ko at pinagbubutihang makamtan ko balang araw. Walang imposible sa mga pangarap ko kagaya ng isang eroplanong naglalakbay papunta sa kanyang destinasyon. 



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...